
Tanawin paakyat sa Mt. Ugo. Kuha ni Mondi.
Ang daan paakyat at pababa sa Bundok Ugo ang pinakamahabang nalakad ko sa buong buhay ko.
Ang sabi ng cellphone ko, may 22,327 hakbang sa layo na 14.2 km simula sa palengke ng Kayapa, Nueva Vizcaya hanggang sa campsite na ginawa namin sa loob ng mahigit siyam na oras.
Nagsimula kami a las 7:30 ng umaga.

Mga batang naglalaro sa daan.
Ang layong ito ay halos isang oras lang sa kotseng gumagapang ala-pagong sa daan.

Dahon ng kalabasa sa daan
Hindi gaano katarik ang nilalakaran. Kayang-kaya lalo na’t magpapahinga sa bawat lima o sampung metro na maakyat.

Pagkalagpas ng village kung saan ang mga bata, mga pino ang bumati sa amin.
Pagkadating namin sa isang burol, pahinga ulit. Ang guide naming si Kuya Dindo Esican merong ibinibigay na kabugao (Hiligaynon for pomelo). Naghanapan na ng kutsilyo. Wala palang may dala. Si Mike, dahil na rin siguro sa matinding survival training sa Wisar, binuksan ang isang kabugao gamit ang kaniyang daliri. Ako naman, dahil walang survival training, tinusok-tusok ko muna ng sanga ang palibot ng kabugao saka sinundot ng daliri at binalatan. Siempre, hindi kasing tamis ng kabugao na nabibili sa Davao. Pero, choosy ka pa ba?

Isa sa mga pahingaan paakyat sa Mt. Ugo: Raymond, Darlene, Mike, Dindo, Faith, Marielle, and Lloyd.
Pagdating sa bahay ng tiyahin ni Kuya Dindo, nagsaing si Mike at Mondi. Na-miss ko si Mike. Isa siya sa kasama sa unang bundok na inakyat ko noong isang taon. Pagkatapos ng napakaraming bundok, ngayon ko ulit siya nakasama.

Ako at si Mike nagbabalat ng kabugao (Hiligaynon ng pomelo).
Dahil mga mahiyain kami, sa labas lang kami ng bahay nagsaing at kumain. Binuksan namin ang baong adobong karne at manok na niluto ng aming kasamang dietician na nagtatrabaho sa isang malaking ospital sa Alabang. Merong binaon si Mike na kabuti na ulam ko sa agahan sa palengke kanina. Isinama na rin sa ulam sa tanghali. Masarap pati ang uod na nakasama sa kabuti.

Pahinga ulit sa ilalim ng mga pino: Mike, Raymond, Lloyd, Faith, Dindo, ako, at Marielle.
Kahit tirik na tirik na ang araw, napakalamig pa rin ng hangin. Napajacket tuloy kami, napapasok sa loob ng bahay, napaupo sa tabi ng pugon at nagpainit. Napainum ng kape, at napatulog nang kaunti.

Selfie over lunch: ako, si Faith, si Mondi, Mike, Darlene, Lloyd, at Marielle (nakatalikod).
Pagkagising, tuloy sa paglakad papuntang campsite. Nadaanan namin ang ibang grupo na nagpapahinga, nakahiga sa gilid ng daan. Narating namin ang kalsadang tinabas sa gilid ng bundok; nakita namin ang lundo-lundong malayong mga bundok. Naging salamin ng aking kaluluwa ang dalisay na hangin at tanawin. Ang tahi-tahimik ko. Natatakot akong ikabasag ng paligid ang itatapon kong salita.
Sumasakit na ang kaliwang mata ko na kahapon pa ay nagsimula ng kumati. Pinasilip ko sa aking kasama at may nakitang namumuong tagiyawat sa dulo. Tamang-tama lang bukas, paggising ko sa campsite, sarado na ang kaliwang mata ko. Di bale, sabi ko. May kanang mata pa naman.

Ako at ang mga kagrupo.
Sa unang pagkakataon, may dala akong tent na hiniram ko sa isang kaibigan na nakasama ko sa maraming practice climb paakyat sana sa Mt. Apo Abril last year. Ang tent ang isa sa tatlong mga gamit pangbundok ang di ko minamadaling bilhin. Di lang dahil mahal siya, kundi maingat kong isinaalang-alang ang bigat nito. At di rin madaling makahanap ng gusto mong kulay, disenyo, bigat, at gawa.

Tuloy sa pag-akyat.
Sa tantiya ko, mahigit dalawang kilo ang tent na karga ko. Dagdagan ng dalawa at kalahating litro ng tubig, anim na itlog, at mga personal na gamit, sumasakit na ang aking balikat sa bigat. Natoto ako sa Mt. Talomo sa Davao na huwag na huwag kong itali sa bewang ang bag. Kasi ang lahat na bigat lilipat mula sa balikat papunta sa bewang. At ito ang halos nagparalize sa akin nang umakyat sa Mt. Talomo last year. Sumakit nang matindi ang aking hita, halos di ako makalakad.

Si Raymond/Mondi.
Dumating kami sa isang waiting shed sa taas ng isang burol saan makikita na si Mt. Ugo. Nagpahinga kami at nagpicture taking. Meron aleng nagtitinda ng alak, kape, mga biscuit, at bayabas. Bumilli kami ng bayabas.

Sinasamba ka namin, O kabundokan!
At napag-usapan ang tungkol sa pagkain. Dahil siguro meron kaming expert sa pagkain na kasama, ang dietician ng isang malaking ospital sa Alabang, si Faith. Ano’ng kakainin ko kapag magpalaki ng muscle? Ano’ng kakainin ko para mapanatiling malusog? At marami pang mga tanong. Ang sabi ni Faith: mabilis ang metabolism ko kaya payat pa rin ako. Doblehin ko ang kain pag umakyat ng bundok. Tapsilog pala ang complete meal sa umaga. Sa tanghali naman, dapat may gulay, may karne o isda, at prutas. Natutuhan na raw namin ito noong elementary pa sa Go, Glow, and Grow lesson sa pagkain. Pero, si Faith lang yata ang nakaalala nito. Kung nahihirapan akong maghanap ng kumpletong pagkain, bumili na lang daw ako ng gatas na 6 scoops lang sa isang baso, kumpleto na ang meal ko. Meron ding version ang gatas na ito na ipinapainum sa mga matandang hindi na nakakanguya. Kaya humahaba ang buhay nila kahit di na makagalaw sa kama.

Si Lloyd as si Marielle sa harap ng Bundok Ugo.
Nilingon namin ang pinanggalingan. Halos hindi na namin makita sa liit ang waiting shed na tinambayan. Ang kalsadang gumuguhit sa gilid ng bundok kay gandang pagmasdan.

Sumasakit ang mata at likod. Kaya sila na lang muna ang ngumiti. Ako, si Marielle na nag-aalok ng bayabas, si Lloyd, Darlene, Mike, Mondi, at Faith.
Ginamit ko na ang technique na natotohan ko sa Tarak: dalawang kamay sa likod sabay buhat ng bag. Pakiramdam ko namamaga na ang balikat ko sa bigat ng bag. Pero, hindi ako sumusuko sa sakit at hirap lalo na’t malinaw ang hanggahan: bukas ng hapon. Mas titibay ng aking katawan kung pagtiyagaan at tiisin ko ang bigat at sakit ng karga kong bag.

Mga isang oras na lang at mararating na namin ang campsite kaya lumiliit na ang daan
Pagkatapos naming magtayo ng aming tent, gabi na. Naghaponan kami at nagsipahinga mga alas 7 ng gabi. Malakas at malamig ang hangin sa campsite. Iyon na yata ang pinakamahabang gabi ko sa isang campsite. Nakapajama ako na may baselayer sa loob, may suot na dalawang pares ng medyas, dalawang t-shirt (isang pang-taas na baselayer), isang sweater, at jacket. Malamig pa rin at ang hirap matulog. Lagi’t lagi, nakakagaan ng loob at nakapanatili ng optimism na malaman na kaunting tiis pa, kaunting tiis na lang, sisikat ang araw, mawawala na rin ang lamig.

Naging salamin ng aking kaluluwa ang dalisay na hangin at tanawin. Ang tahi-tahimik ko. Natatakot akong ikabasag ng paligid ang itatapon kong salita.
Namamaga na ang kaliwang mata ko kinabukasan. Mabigat na ito at alam ko, ilang oras pa, tuluyan nang magsasara. Di bale na, naisip ko. Meron pa naman kanang mata. Si Mike meron palang solution na ipinanghuhugas sa mata sa tuwing magkakabit siya ng contact lense. Malaki ang lagayan at marami pa itong laman. Pinatuluan ang aking mata at ipinadala na muna niya sa akin ang solution.

Takipsilim sa Bundok Ugo. Kuha ni Mondi.

Paglubog ng araw sa campsite ng Mt. Ugo. Kuha ni Mondi.

Pagsikat ng araw sa campsite ng Mt. Ugo
Sa aming pag-uwi, sa Itogon Benguet na kami baba.

I woke up like this
Niluto ni Mike (salamat talaga, Mike) ang itlog kong dala, karne norte, at spam. Long

Itlog, corned beef, at spam para sa agahan. Luto ni Mike.
lasting ang adobong dala ni Faith na naging ulam namin hanggang tanghalian. Sa ikalawang pagkakataon, habang kumakain ng agahan, napag-usapan na naman ang tungkol sa pagkain at kung bakit hindi kumakain ng baboy si Faith. Ang baboy daw kasi, natutulog kung saan tumatae. Nagkakaroon ng tape worm ito na hindi basta-basta namamatay kapag iniluto. Pagnakain ng tao, alam na ang susunod na mangyayari. So, nandiri sa karne ng baboy at nangako kay Faith na magbabago na kami.
Dagdag pa ni Faith, nakatulong sa pagpanatili ng kaseksihan niya ang di pagkain ng baboy, kasi maraming pagkain ang may baboy. Sa equation: Faith-pork = Sexy Faith.

Ang aking anino sa tuktok ni Ugo.
Pagkatapos mag-agahan, pasado 8:30 ng umaga, umalis kami ng campsite papunta sa tuktok ng Mt. Ugo. Dumating kami sa tuktok bago mag-alas 9. Iniwan namin ang aming dala, ipinasyal kami ni Kuya Dindo sa boundary marker ng tatlong probinsiya: Nueva Viscaya, Benguet, at Panggasinan. Sa sobrang tuwa namin, nagvideo kami na tumatawid sa tatlong probinsiya sa ilang hakbang lang. Iaupload namin sa internet para ipagmayabang.

Mandatory group shot sa tuktok ni Ugo: Mondi, Mike, Darlene, Marielle, ako, Faith, at Lloyd.
Wala nang mababasang salita sa boundary marker. Sinira na ng mga treasure hunters sa paghahanap ng yaman na iniwan ni Yamashita.
Ito ang ipinagmamalaki at ipinagmamayabang naming video. Tatlong probinsiya sa iilang hakbang
Parang hardin ng mga pino ang mga bundok na dinaanan namin. Walang mga talahib sa paligid nila kundi mga damong malilit. Ang mga pino lang na nagsisitaasan. At ang bango nila. May mga pino din kaming nadaanan sa Bundok Tenglawan sa Bakun, Benguet na kasing ganda din ng mga ito. Pero, itong sa Bundok Ugo, malawak at mahaba ang matatanaw. Ang sarap huminga ng dalisay na hangin na sinala ng mga dahon ng pino. Ako’y parang naging bagong tao. Parang ipinanganak ulit at ipinaglihi sa pino.

Ang sarap huminga ng dalisay na hangin na sinala ng mga dahon ng pino. Ako’y parang naging bagong tao. Parang ipinanganak ulit at ipinaglihi sa pino. Kuha ni Mondi.
Pagkatapos ilang beses kaming tambangan at habolin sa daan ng mga baka, nananghalian kami sa isang village halos ala una na ng hapon.

Si Mondi, Mike, ang aming climb nutritionist na si Faith, at ako.
Nang nagpatuloy kami sa pagbaba galing sa village, halos di na umoobra ang technique na natutuhan ko sa Tarak para maibsan ang sakit ng katawan sa bigat ng dalang bag. Mabuti’t ang aking kaliwang mata ay di pa rin sumasara. Tinutulak ko ang strap ng bag palapit sa leeg para maiba ang lapat sa aking likod. Pakiramdam ko hindi lang namamaga ang balikat ko sa bigat ng bag, sumasakit na rin ang aking likod. Pero, napagdesisyonan ko nang dalhin ang bag ko hanggang sa kadulo-dulohan. Sa patigasan ng ulo, di ako susuko sa Bundok Ugo.

Mga bakang may gusto sa amin. Habol nang habol. Kuha ni Mondi.
Impuntong alas 5 ng hapon, dumating kami sa waiting shed ng Barangay Tinongdan, Itogon, Benguet. Naghihintay na sa amin si Mike at Raymond na kapwa nakaligo na.

Hindi umobra ang pakikipag-usap ko sa baka. Hinabol pa rin kami. Kuha ni Mondi.
Ang sabi sa aking cellpone, noong December 4, 2016, ang araw nang aming pagbaba galing sa Bundok Ugo, nakapagtala kami ng 33,102 hakbang na may layong 22 km na ginawa namin sa loob ng walo at kalahating oras.
Pingback: Madjaas, Isla Mararison, at Boracay | Pilar, Capiz
Pingback: Madjaas, Isla Mararison, kag Boracay | Pilar, Capiz