Inabot nang anim na oras ang biyahe namin galing Baguio papunta sa bayan ng Bakun sa Benguet. Maliliit na nga ang daan, sira-sira pa ito dahil sa bagyong Lawin na nanalasa mahigit isang buwan na ang nakalipas. Nabali o nabuwal ang ilang poste ng koryente sa daan kaya hanggang sa aming pag-alis noong Oktubre 31 ng hapon, wala pa ring koryente doon.

Daan papuntang Bakun

Sirang daan papuntang Bakun

Papuntang Bakun

Pagpapatibay ng daan papuntang Bakun

Mga manggagawa nagtatayo ng pader para mapatibay ang kalsada paakyat ng Bakun
Pero, kapansin-pansin ang pagpasemento ng kanilang maliit na daan. Sa liit, kailangang gumilid o umurong muna para gumilid ang sasakyan namin para makadaan ang kasalubong. Patuloy ang pagrerepair ng mga daan at pagtayo ng mga pader para hindi gumuho.
Nandoon kami sa Bakun sa Benguet para akyatin ang tatlong sikat na mga bundok nito: ang Bundok Lubo, Tenglawan, at Kabunian. Ito ang tinatawag ng mga harkor na mga mamumundok na Bakun Trio. Nagkapag-Bakun-Trio ka na kapag naakyat mo silang tatlo in 3 days. Ang aming 3 days ay nagsimula noong Sabado, October 29, hanggang Lunes, October 31, 2016.

Taga-PDEA at NBI sila kaya bawal ang droga. Isinama na pati alak🙄
Ang sabi ng guide na nag-orient sa amin sa Brgy Dada, bawal daw ang inumin at droga dahil ang mga guide namin ay galing sa NBI at PDEA!

Kami pagkatapos kumain ng tangahalian. Mark, Jess, Charlie, ako, ang aming guide na si Dominic, Edmund, Thomas, at Raymond. Galing sa album ni Aldrin Valentona.

Paakyat sa tuktok ng Mt. Lubo. Galing sa album ni Faith Salonga-Guzman

Kami nina Jess, Raymond, Thomas, at Charlies sa tuktok ng Mt. Lubo. Galing sa album ni Aldrin Valentona.
Pagkatapos kaming pinapirma ng waiver na walang pananagutan ang LGU ng Bakun kung anoman ang mangyari sa amin habang umaakyat, ayon na. Nagsimula na kaming umakyat at 11:07 papuntang Mt. Lubo. Ang guide namin ay nagpakilalang si Dominic. Ang tanong ko, Almelor, na reporter ng GMA? Napatawa siya. May isa pang nagtanong: Ochoa? Hindi daw.

With our guide Dominic (Not Almelor and not also Ochoa)
Pagkatapos ng isang oras na akyat ng bundok, ginutom kami. Kaya at 12:15, kinain na namin ang binaong tanghalian na binili namin sa Brgy Sayangan, Ayok, Benguet nang kumain kami ng agahan.

My roommates and MMS members Charisse Jadie, Mau Romarante, Leigh Tuazon, and Thomas Suarez. Batchmates din sila. Sa tuktok ito ng Mt. Lubo.
Tinapos namin ang aming lunch in twenty minutes at itinuloy ang pag-akyat sa Mt. Lubo. Trenta minutos pa more, narating na namin ang summit ng Mt. Lubo. Picture, picture kami. May mga nagpose sa kabilang bundok. May nag-jump-shot sa isang bato. Iyan lahat para kunan sila ng picture ni Aldrin na may dalang magandang camera. Nang humopa na ang kanilang picture taking, tumabi ako kay Aldrin. Kaya lang nahiya naman akong magpapicture. Nakisuyo na lang ako na kuhanan niya ako ng dramatic na photo na tumitingin sa malayo gamit ang aking cellphone. At bumaba na kami kasi maliit lang ang summit at di kami kasya lahat. Kasi naman 39 kami na participants sa climb na ito na inorganize ng Metropolitan Mountaineering Society (MMS), sa pangunguna ng Senior Team Leader na si Faith Gazmin-Salonga, Team Leader na si Paul Austin Sagario, at Assistant-Team Leader na si Paolo Miguel Bernardo. Sa dami namin, hindi nga kompleto ang listahan. Sina Fhilpol Villanueva, Marc Evangelista, Nik Uy, Mark Kenneth Esguerra, Raymond Sayon, Paolo Nico V. Villacastin, Charlie Jay Yu, Naneth Pecson at ako na mga guests at sina Paul Austin Sagario, Ana See, Paolo Miguel Bernardo, Joey Calisay, Criszel Docog, Levi Nabor, Charisse Jadie, RC Abeleda, Edmund Milanes, Aldrin Valentona, Faith Gazmin Salonga, Elizabeth Villocino, Jess Mar Puntillas, Jayson Jogno, Katherine Calosa, Allen Rodri Ellana, Thomas Suarez, Mau Romarante, Princess Sarah, Joseph Zamudio, Lysenree Anne Tabones, Leigh Tuazon, at Joe Vic SantaRita ang members. Kailangan kumuha ng isang bus papunta at pabalik galing Baguio at magrent ng dalawang jeep para makarating kami dito.

Ngiti pa more. Selfie ni Lei Ann Tabones kasama kami nina Jess at Raymond. Sa tuktok pa din ng Mt. Lubo.
Sa kalagitnaan ng isang oras na paglalakad pababa, nadaanan namin ang mga babae at mga lalaking may kasamang mga bata na naghihilera ng pipino sa plastik sa likod ng isang trak. Nakaimpok ang mga pipino sa trapal sa lupa. Tinanong ko kung ibinibenta ba iyon. Oo. sagot ng lalaki.

Si Aldrin Valentona sa tuktok ng Mt. Lubo.
Pabili po ako.
Ilan po ang bilbilhin ninyo?
Isa lang po.
Nagsitawanan ang mga babae at ang mga bata. May sampung piso kasi ako sa assault pack ko, although siempre, hahalukayin ko pa iyon.
Ay, isa lang pala ang gusto mo, kumuha ka na riyan, sabi ng lalaki.
So, ano sa tingin ninyo ang nangyari: a) nagalit ako dahil di ako pinabili, b) natuwa ako at nagpasalamat, or c) nagtampo ako, di nagsalita, tumalikod na lang at tumuloy sa paglakad?
Tama, b ang sagot. Natuwa ako at nagpasalamat at tumuloy na sa paglakad pababa.
Si Raymond na kasunod ko, kumuha na rin. Ilalagay daw niya sa kaniyang mata mamayang gabi sa pagtulog niya. Samantalang ako, maya-maya lang kinain ko na ang aking pipino.

Si Raymond, ang model ko. Meron din akong mga pictures dito kaya lang nahihiya akong ishare. Ito na lang muna.
Sa Bakun Municipal Hall pala kami tutuloy sa loob ng aming dalawang gabing pamamalagi sa Bakun. Galing sa Bakun Poblacion, sumakay pa kami sa jeep ng 45 minuto bago marating ang Municipal Hall.

Ito kaming lahat. Ang dami namin, no? Litrato ni Cha Jadie

Ito ang itsura ng loob ng hall galing sa main door. Diyan kami sa pangalawang kuwarto sa kanan natulog. Ang tent na ito ipinasok lang ni Mark pag-alis papuntang Tenglawan.

Ito ang mga members ng Metropolitan Mountaineering Society (MMS). Litrato ni Cha Jadie

Ito kaming lahat ng mga guests ng MMS. Litrato ni Cha Jadie
Ang Bakun Municipal Hall ay nakatayo sa mataas na bahagi ng munisipyo. May hagdan paakyat doon, may bakuran at may flagpole sa gitna ng bakuran na nasa gitna din ng hagdan at ng hall. May hagdan pa ulit papasok sa mismong hall. Pagpasok sa pintuan, may malawak na sala at tatlong kuwarto sa kanan, at isa sa kaliwa. Dahil hindi kami kasya sa tatlong kuwarto, at dahil sarado ang kuwarto na nasa kaliwa, sa sala na sa gilid ng kuwarto naglatag ng sleeping mat ang iba, at ang iba naman, naglatag ng kanilang tent sa labas.

Ito kami nagpapahinga pagkabalik galing sa Mt. Tenglawan. Si Raymond, ako, si Charlie, si Jayson na pumunta ng Tekip Falls at di umakyat sa Mt. Tenglawan, si Mau, at si Jess. Galing sa album ni Aldrin Valentona.
Merong hiwalay na gusali sa likod ng hall. Pagpasok sa pintuan, makakaharap mo ang dalawang pintuan. Isa sa paliguan, at ang isa sa palikuran. Sa pader, pagliko mo sa kaliwa, may apat na monoblock chair, at may mesa. May lababo sa gilid ng paliguan at malawak ang parang sala nito.

Elizabeth, Charisse, Mark, Aldrin, Jason, Mark, at Edmund pagkatapos ng purgatoryo na ang pangalan ay Bundok Tenglawan. Galing sa album ni Elizabeth Villocino.
Isang gabi, habang naghihintay ako sa torno kong gumamit ng palikuran, lumabas ako at tumingin-tingin sa likod. Sa kabila ng kalsada, punong-puno ng alitaptap ang dalawang puno ng kahoy.

Ngiti muna bago tumawid ng tulay papuntang Mt. Tenglawan. Galing sa album ni Charisse Jadie a.k.a Cha.
Kasama ko sa kuwarto ang MMS members na sina JC Abelada, Leigh Tuazon, Charisse Jadie, Mau Romarante, Thomas Suarez, Raymond Sayon, at ang apat pa na guest climbers na katulad ko.

Sina Mau, Jess, Normie our guide, Raymond at Charlie sa pine forrest paakyat ng Mt. Tenglawan.
Maraming masayang kuwento ang MMS members. Meron din silang di kasiyahang kuwento na pag binabalikan nila, nagiging masaya na rin. Tulad, halimbawa, nang nangyari kay Cha at Mau. May dala daw na guests si Cha na inalalayan ni Mau sa pag-akyat nila sa isang bundok. Ang isang oras at kalahati na akyat, naging anim na oras yata. At gutom na gutom na si Mau dahil gabi na at di pa nakapagpananghalian. Binigyan siya ng ulam ni Cha. Sa sobrang gutom, di napansin ni Mau na panis na pala ang giniling na karne na inuulam niya. Di naman daw kasi alam ni Cha na panis kasi maganda pa naman ang itsura ng ulam. Iyon lang bumubula na pala. Sumama daw ang tiyan ni Mau pero di na siya kumibo. Hanggang ngayon, pag naaalala ito ni Mau, lalong lumalalim yata ang pagmamahal niya sa batchmate niyang si Cha. Si Cha naman, nahihiya na pero tanggap na rin naman niya na pinakain niya si Mau ng panis na ulam. Paliwanag pa niya: “Noong kinain kasi namin noong tanghali di pa panis iyon.”

Kasama si Jovic sa tuktok ng Mt. Tengalawan.
Si Leigh naman, ikinuwento na ninakawan sila ng gamit sa Kibungan. Pero nang sinabi nila sa guide, naibalik din ang mga gamit nila. Ang kaniyang shovel na ginagamit sa paghuhukay ng butas sa lupa kapag emergency, ginamit daw pangtakal ng kanin.

Si Jovic, walang damit sa Karot Peak. Pinahuhubad ko siya ng shorts at brief. Ayaw.
Alas 7 pa lang ng gabi, pagkatapos naming maghapunan sa unang gabi namin sa Bakun, natulog na ako.

Si Jess, Raymond, Mau, at Charlie pinagmamasdan ang pagtago at pagpakita ng Karot Peak sa hamog.
Tamang-tama, dahil kinaumagahan, alas 3 ng umaga pa lang, gising na ang lahat para kumain ng agahan at umakyat sa Mt. Tenglawan.

Duterte pose. Kami ang mythical five!😳 Sina Jess, Raymond, Mau, ako, at Charlie. Kuha ng aming guide na si Normie.

Hindi ako ang nagbansag sa amin na mythical five, ha? Si Mau po. Si Mau. Sa tuktok ito ng Karot Peak. Ako, si Raymond, si Mau, Jess, at Charlie.
Kung nagdududa ka sa kakayahan mong umakyat ng bundok lalo na pag wala masyadong kakaibang tanawin, huwag mo nang akyatin ang Mt. Tenglawan at pumunta ka na lang sa Tekip Falls. Balita ko maganda daw ang Tekip. Madali pang mapuntahan. 30-minute trek daw na walang assault nasa falls ka na. Sa Mt. Tenglawan, mga isang oras na pababa galing sa Municipal Hall, mga isang oras na patag, pagkatapos doon, mga tatlong oras na puro akyatan na. Kung mabagal ka, di ka pa makakarating sa tuktok sa loob ng 5 oras. Ang view lang na makikita mo ay ang mga bundok sa isang side at mga gubat ng pine trees. Merong portion pagkatapos ng community paakyat na makikita mo sa kanan ang cascading falls at mga bundok. Pero, may makikita ka ring dalawang falls sa Municipal Hall. Ang sinasabi ko lang, in terms of view, hindi masyadong rewarding ang bundok na ito. Napakahirap akyatin. Dumagdag pa dito ang humihilab kong tiyan sa kakainom ng tubig ng Bakun.

Sina Charlie, Jess, Raymond, ako, Mau, at ang assistant team leader ng grupo, si Paolo Miguel Bernardo. Kuha ni Faith Gazmin-Salonga. Ano’ng nangyari sa daliri niya, mamaya malalaman ninyo.

Si Mau pababa ng Mt. Tenglawan.
Nauna kaming 5 nina Mau, Charlie, Jess, Raymond, at ako sa tuktok ng Mt. Tenglawan. Pababa na ang nauna sa amin, iyong mga umalis ng mga 2:30 or 3:00 am. Kaya solo namin ang summit pati ang pagpapapicture sa Karot Peak. Pagkatapos ng papicture, nakuha pa ng may mga data na magyabang sa Facebook na nasa summit na sila ng Mt. Tenglawan. Si Raymond, nagfacebook live. Si Jess, nakuha pang mag-face-time sa mahal niya sa buhay. Kami ni Charlie, papicture-picture at patext-text na lang. Di nagtagal, dumating din si Joe Vic, ang isa sa pinakaguwapong members ng MMS. Hindi ko na pinakawalan ang pagkakataon, nagpapicture na ako kay Joe Vic. Umakyat din siya sa Karot Peak at nagpapicture na walang damit. Sumigaw ako na tanggalin niya na rin pati shorts at brief niya. Ayaw.

Si Faith Gazmin-Salonga, Senior Team Leader ng grupo sa Bakun climb.
Sa aming pagtatanong, nalaman namin sa aming guide na makakabili kami ng basi sa community! Ang basi daw ay gawa sa tubo (sugarcane). Pero wala naman akong nakitang tanim ng tubo unlike doon sa amin sa Capiz na daang hektarya ang tanim na tubo. Nakapagtataka. Walang tubo pero may basi. Pero, di bale na. Ang importante, may basi kaming dala pagbalik namin sa “bahay.”

Si Faith ulit. May mangyayari sa daliri niya mamaya.
Tanghaling-tapat nang bumaba kami sa Mt. Tenglawan. Lumabas tuloy ang pagkamestiso nang nasunog ang mukha ko.

Finally, si Faith sa puno ng natumbang pino sa tuktok ng Bundok Kabunian.
Pagkatapos ng dalawang oras na pagbaba, dumating na kami sa community. P150/per liter ang basi. Dalawang litro lang ang kinaya ng aming pera. Ipinasok ko sa assault pack ko ang isang litro, isinaksak din ni Mau sa kaniyang bag ang isa pang litro. Ang sabi niya habang naglalakad kami pabalik sa hall, huwag ko munang ilabas ang basi. Sasabihin niyang meron kaming tig-P500 ang litro. Kaya lang, mas mabilis si Jess at si Charlie. Nauna silang dumating sa Municipal Hall. Di namin na-brief. Ang mga di umakyat ng Tenglawan at pumunta ng Tekip Falls nasabihan na na may basi kaming dala. Di na tuloy kami kumita.

Si Raymond nakasunod kay Mau sa gilid ng bangin paakyat sa Bundok Kabunian.
Nakabalik kaming lima sa Municipal Hall bago mag-alas tres ng hapon. Mukhang nalaman yata ito ng tagaluto ng aming pagkain kaya kinaumagahan, sa pag-akyat namin sa Mt. Kabunian, di niya kami ipinagluto ng babalutin para sa tanghalian. Mas madali lang naman daw ang Mt. Kabunian akyatin kaysa Mt. Tenglawan at ang aga naman namin nakabalik. Weh! Si ate.

Napakaliit natin, no? Si Raymond iyan sa kaliwa at sa likod niya makikita ang mahabang dinaanan namin at may mga sumusunod pang umaakyat sa dulo.
Naligo kami at doon tumambay sa hagdan papasok sa Municipal Hall. Itinagay namin ang basi at bawat may dumating, binibigyan namin ng welcome drink.

Naabutan ng mythical five ang mga naggagandahang mga dilag na sina Jessica, Donna, at Andrea na nagpapahinga sa ilalim ng puno ng pino. Siempre, namahinga na rin kami. Paakyat din sila sa Bundok Kabunian.
Habang palubog na ang araw, binabalot ng hamog ang mga bundok sa paligid ng hall. Nagreklamo ako kay Mau: bigo ako na hindi malamig sa Bakun. Sagot ni Mau: paano napapaligiran tayo ng mga bundok.

Si Mau sa isa sa pinakanakakatakot na parte ng bangin paakyat sa Bundok Kabunian.
Ang wake-up call para sa Mt. Kabunian ay alas 4 dapat ng umaga at aalis ng alas 5. Pero, excited yata ang mga tao, alas 3 pa lang gising na ang lahat sa kuwarto. Kaya tuloy, 4:23 pa lang ng umaga, umalis na kaming lima kasama si Thom. Mythical Five na ang tawag sa amin ni Mau. Kasi kaming 5 nina Jess, Charlie, Raymond, Mau, at ako ang laging nauuna sa tuktok ng bundok.

Good morning. I woke up like this na umaakyat sa Bundok Kabunian 😳
Pagkatapos ng halos isa at kalahating oras na pag-akyat sa Mt. Kabunian, nang lumiwanag na, bumulaga sa amin ang makapagpigil-hiningang tanawin na mga bundok at bangin na wala sa Mt. Tenglawan.

Si Mau sa gilid ng bangin paakyat sa Bundok Kabunian.
Naalala ko ang Mt. Kibungan na inakyat din namin kamakailan lang. Tulad sa Kibungan, sa gilid ng bangin din kami dumadaan. Tumutulay sa bangin, umaakyat sa matarik na bato sa gilid ng bangin.

Bago makalimutan, ito pala ang kuwento ng Bundok Kabunian.
Ito ang sinulat ko sa akyat namin doon sa Kibungan:
So, what makes these mountains so beautiful is perhaps because they are fraught with danger; and what makes us appreciate more its beauty is perhaps, consciously or not, not only the risk of losing one’s life but the hope of surviving to tell the tale. Like love and hate, holding on and letting go, beauty and danger cannot perhaps be separated from each other.

Sina Charlie, ako, Mau, Raymond, at Jess sa tuktok ng Bundok Kabunian.
Ang pagkakaiba nila, sa Mt. Kibungan, malalapit lang ang mga bundok. Bangin sa tabi mo, pagkatapos, ilang daang metro lang, nandoon na ang mga bundok. Samantalang sa Mt. Kabunian, ang lalayo ng mga bundok na napapagitnaan ng maliliit na bundok kaya mas malawak at malayo ang iyong matatanaw. Lalo pa at nakatuntong ka sa matarik na bundok.

Ako, si Jess, Raymond, Mau, at Charlie nakapatong sa puno ng pino na binugahan ni Lawin kaya natumba sa tuktok ng Bundok Kabunian.

Kuwento-kuwento sa tuktok ng Bundok Kabunian. Si Raymond, ako at is Mau. Galing sa album ni Faith Gazmin-Salonga.

Si Tomas namamangha sa ganda ng Filipinas. Galing sa album ni Faith Gazmin-Salonga.
Pagkatapos ng tatlong oras na akyat, dumating na kami sa tuktok ni Mt. Kabunian. Sa tuktok ni Kabunian, narinig kong nag-uusap si Thom, isang optometrist, na kasama namin sa kuwarto, at ang ibang climbers galing sa ibang grupo. Ipinapaliwanag niya ang kaniyang advocacy. Gusto niyang itama ang sinasabi ng iba kapag makakita ng magagandang tanawin sa Filipinas. Sa halip na “Ay wow! Ang ganda! Parang hindi Filipinas!” Gusto niyang sabihin natin na “Wow, ang ganda. Ito ang Filipinas!”

Ang mga bundok na makikita sa Bundok Kabunian.
Merong aral ang bawat paghihirap na dinadanas natin. Sa hirap na dinanas ko sa pag-akyat kay Mt. Tenglawan, natuto ako na di pala kompleto ang kasabihang slow at sustained steps para mabilis maakyat ang ano mang bundok. Dapat pala, small, slow, and sustained steps. Kung lalakihan mo ang steps, hihingalin ka at titigil para magpahinga. Pero, kung liliitan mo lang ang hakbang, kahit mabagal, pero tuloy-tuloy, mabilis kang makaabot sa tuktok ng bundok. Ang ganitong estilo ay natutuhan ko sa pagsunod kay Mau, ang tumatayong chairman ng Training Committee ng MMS ngayon. Malaki ang kaniyang mga hakbang pero mabagal at tuloy-tuloy. Pag sinabayan ko ang laki ng kaniyang hakbang, di ako tumatagal at naiiwan niya ako. Kaya ang ginawa ko, sa bawat hakbang niya, dalawang hakbang sa akin. Sa ganoon, nasundan ko siya hanggang sa tuktok ng pangatlong bundok.

Mabuti naman at nilagyan ng LGU ng makakapitan paakyat at pababa sa isang bundok papunta sa Bundok Kabunian.
Ang daliri ni Faith

Pinapanood naming tinatalian ni Ana ng isang rolyo ng itim na sinulid ang daliri ni faith. Galing sa album ni Elizabeth Villocino.
May mga bagay na di puwede idahan-dahan, kundi dapat pinipuwersa. Tulad na lang halimbawa sa singsing na ipinasok ni Faith sa daliri ng kabilang kamay. Oo, si Faith na aming Senior Team Leader. Hindi na niya matanggal ang singsing. Nilagyan ng sabon. Ayaw. Lotion, ayaw pa din. Namaga at nangitim na ang daliri ni Faith. At nangyari ito nang ang lahat ay na sa loob na ng jeep at handa ng lumarga pabalik ng Baguio. Nagsibabaan na ang mga kaibigan niya: sina Ana, si Kath, at marami pang iba. Meron namang nagmimiron lang at pinagtatawanan ang mga pangyayari. Merong taga-picture, at meron din namang taga-video. Dinala si Faith sa tindahan ng burger. Bumili ng sinulid at ibinalot sa daliri ni Faith para lumiit ang pamamaga at makalabas ang singsing. Naubos na ni Ana ang isang rolyo ng itim na sinulid, ayaw pa ring matanggal ng singsing. Nakiaalam na si Paul Austin, ang nurse na team lead ng grupo. Humingi ng mantikang gamit sa pagaluto ng burger at nilagyan ni Paul Austin ng mantika ang daliri na may singsing. At pilit inikot ni Paul Austin ang singsing. Naiiyak na si Faith dahil masakit daw. Mamili ka, sabi ni Paul Austin na siguro nag-aalala na dahil halos kalahating oras na, di pa rin kami nakakaalis. Mahuhuli na kami sa IT. “Mamili ka,” sabi ni Paul Austin. “Masakit o maputol ang daliri mo?” Walang sagot si Faith. Pinapaikot ni Austin ang singsing at pinipuwersa ito patungo sa dulo ng daliri. Natutuyo ang mantika sa daliri ni Faith kaya idinuro ko ang aking daliri sa lagayan ng ice cream na may mantika at inilipat sa daliri ni Faith. Tapos, tinikman ko ang daliri ko. Sabi kasi masarap ang lasa noon dahil ipinangluto ng burger. Wala naman palang ibang lasa kundi gamit na mantika. Tumakbo si Austin na nagsisigaw sa tuwa nang makalas niya ang singsing sa daliri ni Faith. Nagsipalakpakan ang lahat at nagsitakbuhan na pabalik sa jeep para lumarga.

Yehey! Si Paul Austin at si Faith bago ang nangyari sa daliri ni Faith.
At dito nagtapos ang aming pag-akyat sa mga bundok ng Bakun. Nabuhay ang halos bangkay na, na daliri ni Faith. Masaya ang lahat dahil wala kaming paglalamayan kinaumagahan, November 1.
Pingback: MMS BMCM Week 3: first minor climb and cooking festival | Pilar, Capiz
Pingback: MMS Batch 2017 1st Minor Climb and Cookfest on Mt. Daguldol | Pilar, Capiz
Pingback: MMS Basic Mountaineering Course for Membership week 1 | Pilar, Capiz
Pingback: Madjaas, Isla Mararison, at Boracay | Pilar, Capiz
Pingback: Madjaas, Isla Mararison, kag Boracay | Pilar, Capiz
Where is your next place po….?
Pingback: Mga Baka at Pino sa Mt Ugo at Kung Bakit Di Kumakain ng Baboy si Faith | Pilar, Capiz