
Walang kahoy ang mga nadadaanang mga bundok paakyat sa Mt. Sawi. Puro hilamon (Hiligaynon for grass) lang na berde
Pagkatapos ng mahigit isang taong pamumundok, di pa rin ako natuto. Ang una-unang aral na dapat di kinakalimutan ay huwag na huwag iunderestimate si Inang Kalikasan. Noong iunder-estimate ko ang Radar Mountains sa Pilar, Capiz, sabi ko sa malayo: ah, maiksing lakaran lang ito. Mga tanghali makababa na tayo. Ang sukal pala ng gubat at walang trail. Muntik na kaming gabihin sa bundok. Wala pa naman kaming night gear at tent.

SA hilamonan nagalakat. Ako, si Melvin, si Allain, kag si Lloyd.
Nang sinabi na ang Mt. Sawi ay ilang oras lang na lakad, di ko pinansin. Akala ko kasi, ang isa o dalawang oras na lakad, mga 30 minutes lang iyon sa akin. Kaya, noong Nobyembre 6, 2016, nang halos dalawang oras na kaming umaakyat sa Mt. Sawi, napamura ako. Tang ina, bakit ang tagal namin makarating sa tuktok?

Ang mga kasama namin nagpapapicture sa tuktok ng Bundok Sawi.

Si Lloyd, ako, si Marielle, si Cathy, si Melvin, at si Allain sa tuktok ng Bundok Sawi.

May naligaw na guwapo. Ang pangalan niya ay si Melvin.
Ganiyan kapag mayabang o nagyayabang. May pinaglalagyan.

Si Marielle at si Lloyd katabi ng aming guide sa isang bato sa tuktok ng Bundok Sawi.
Tulad ng mga paborito kong bundok na malawak at malayo ang makikita, malawak at malayo din ang makikita sa Mt. Sawi. Walang kahoy ang mga nadadaanang mga bundok. Puro hilamon (Hiligaynon for grass) lang na berde. Kaya kitang-kita ang hugis ng bundok na kakabit ng Siera Madre Mountain Range. Sa tuktok ng Mt. Sawi, makikita ang pinsala ng lahar sa pagputok ng Bulkang Pinatubo ilang dekada na ang nakalipas. Halos nabura na ang ilog at ang natira na lang ay ang dinadaanan ng lahar. Naging hanap buhay na rin ng mga tao ang pamumulot ng bato na ginagamit sa construction bilang palamuti at ibinebenta sa gilid ng kalsada.

Sa tuktok ng Mt. Sawi, makikita ang pinsala ng lahar sa pagputok ng Bulkang Pinatubo ilang dekada na ang nakalipas.
Umalis kami bago maghating gabi ng Nobyembre 5. Dumating kami sa Nueva Ecija mga alas 4 na ng umaga ng Nobyembre 6. Nagsimula kaming umakyat sa Mt. Sawi impunto alas 5 nang umaga. Nakababa kami alas 9 ng umaga. Saka kami tumuloy sa Minalungao National Park.

Pagbati mula sa Minalungao National Park
Malayo pala ang Mt. Sawi sa Minalungao National Park. Mga dalawa o tatlong oras pa na sakay sa van bago namin narating ang National Park na nasa loob ng army reservation area sa Nueva Ecija. Isa pala itong ilog na may kuweba. Ang daming naliligo sa ilog. Merong nakalutang na balsa na gawa sa butong (bamboo), merong mesa sa gitna ng balsa, merong bobong at upuan. Ang mga pamilya o magbarkada, maaaring magrenta ng balsa, kumain doon, at maligo sa ilog.

Selfie muna ulit bago pa ang lahat. Ako, si Cathy, si Allain, si Carlo, si Melvin, si Lloyd, at Marielle.
Kahit merong ibinibigay na life-jacket pag merong iwang dalawang ID’s, ang una-unang itinanong sa amin pagdating: marunong ba kaming lumangoy. Nawalan na ako ng confidence sa swimming skills ko. Makadalawang beses na rin kasi akong muntik nang malunod. Una doon sa Misamis Occidental sa Baga Falls, at pangalawa, sa Tinipak River, sa Tanay Rizal.

Ang makikita galing sa cottage saan kami nananghalian.
Hinati kami sa tatlong grupo kasi marami-rami din kami: dalawang van.

Kami ang late-lunch group 3
Kami ang huling grupo sina: Marielle, Cathy, Lloyd, Melvin, Allain, Carlo, at ako. Kami ang grupo na di sumamang mananghalian nang tumigil ang grupo sa isang kainan. Naghanda kasi si Marielle ng kanin at adobong manok. Hindi lang pagkain ang inihanda ni Mareng Marielle. Kasama na ang paper plate, disposable kubyertos, at cups. Ang lupet!

Parang umakyat din pala kami sa 1000 steps na iniwasan namin. Ang tarik ng hagdan paakyat sa kuweba. Si Melvin, Lloyd, Allain, Carlo, and the cheer leader, Marielle.
Kaya pagdating namin sa Park, gutom na gutom na kami. Samantalang ang dalawang grupo’y nagsimula nang mag-tour sa cave, sa view deck, at sa 1000 steps, kami’y kumakain pa sa cottage overlooking the parking lot next to the river. Pagod na kami at tinatamad nang mag-1000 steps. Kaya, habang kumakain, nagpasya kaming pumasok sa kuweba at umakyat sa view dec. So, dalawa na lang bale ang activity namin instead of tatlo.

Sa isang section ng kuweba na may malaking ugat ng kahoy na nakalaylay galing sa bubong. Pagtiyagaan na natin ito, mga bes. Madilim, di kinaya ng flash.
Sumibat kami sa cave pagkatapos kumain. Parang umakyat din pala kami sa 1000 steps na iniiwasan namin. Ang tarik ng hagdan. Naabutan namin ang mga taga-Baguio na palabas na sa bunganga ng cave. Merong lagayan ng tubig na may lamang ihi na nakapatong sa gilid ng bunganga ng kuweba. Nakakalat ang mga balat ng kendi, at kung ano-ano pang basura.

Salamat sa mata ni Carlo, nagkailaw kami.
Pagkapasok namin sa kuweba, meron pang isang butas na kailangan bumitin sa lubid para makababa-akyat. Ang nakakaiba sa butas ay papunta iyon sa isang section ng cave na may malaking ugat ng kahoy na nakalaylay galing sa bubong ng kuweba. Siempre, nagpapicture kami. Isa-isa rin nagpapicture ang mga kasama ko habang paakyat sila palabas ng butas gamit ang lubid. Picture lang ni Melvin ang pumerfect. Ang iba, di bale na. Di kinaya ng cellphone ko. Namatay ito.

Isa-isang nagpapicture habang palabas ng butas gamit ang lubid. Picture lang ni Melvin ang pumerfect. Ang iba, di bale na.
Pagkalabas namin sa cave, umakyat kami sa view deck. Isa itong malaking bato. Sa ilalim, makikita ang ilog. Umakyat kami sa malaking bato at nag…ano pa? Papicture. Pagkatapos naming magpapicture, habang nag-uusap-usap kami, may sumigaw sa ilog. Merong isang lalaking kumakampay-kampay sa gitna ng parang lawa ng ilog. Sumisigaw ito at humihingi ng saklolo. Tumatakbo ang dalawa niyang kasama. Ang huli ay malaki ang tiyan at may bitbit na pulang pampalutang. Lumangoy ang una papunta sa nalulunod. Sinundan ng malaki ang tiyan.

Pano shot ng ilog sa view deck.
Tumigil na sa kakakampay ang nalulunod. Pumailalim na ang kaniyang kamay sa tubig. Inikutan siya ng may malaking tiyan at mula sa likod, hinatak siya sa ulo at isinabit ang kaniyang chin sa siko nito at inilangoy pagilid.

Si Allain. Single, and available.
Natameme kaming lahat. Kahapon lang daw, kuwento ng guide, merong 17 year old ang nalunod din sa ilog. Hanggang ngayon hindi pa nila nakukuha ang katawan. Simula nang bumukas ang National Park noon 2003 (?), 87 na daw katao ang nalunod dito. Nagtataka ako ba’t bukas pa rin ito.

Kumusta po? Si Marielle, Melvin, at Cathy
Pagkatapos sa view deck, bumalik na kami sa cottage. Ang iba naligo pa sa ilog. Ako, bumalik ang trauma ko sa tubig nang masaksihan ko ang halos pagkamatay ng isang tao. Dinala siya sa gilid ng ilog at nakita kong minouth to mouth resuscitation siya. Maya-maya nakatayo na rin at naglakad palayo sa ilog.

Alam na po namin ni Lloyd. Please huwag na ninyong sabihin. Salamat po.😍
Ang asawa ng isa sa aming guide nagkuwento na may kakilala siyang babaeng nakakita at nakakarinig ng mga nilalang na di nakikita at naririnig ng mga karaniwang taong tulad ko. Pagkumakanta daw ang diwata sa kuweba, merong namamatay. Sila naman na di nakakakita ng diwata, nag-aabang na lang ng senyales ng ilog. Kapag luminaw ang tubig at umulan kinagabihan, siguradong may magbubuwis na naman ng buhay.

Si Carlo. Bow.
Sa araw na iyon, napagod ako hindi lang sa pag-akyat ng bundok, kuweba, at view deck, at sa mahabang biyahe papunta at pabalik galing Nueva Ecija. Bumalik sa akin ang dalawang beses na muntik na akong malunod. Binawian ako lakas, ang pakiramdam, kapalit ng kaligtasan. Nagsisimula ka na may yabang o lakas ang loob, at nagtatapos sa panliliit sa sarili, pagtingala, at pagkamangha’ng may halong takot kay Inang Kalikasan.

Ito kaming lahat! (source)